Suportado ni Metro Manila Council President at San Juan City Mayor Francis Zamora ang mungkahing bigyan ng insentibo ang mga may-ari ng pribadong lote para gamiting staging area sa mga matutukoy na benepisyaryo ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program ng Administrasyong Marcos.
Ayon kay Mayor Zamora, ito’y para hindi na lumayo pa ang mga matutukoy na benepisyaryo ng programa sa lugar malapit naman sa mismong pagtatayuan ng pabahay para sa kanila.
Layunin din kasi nito ani Zamora na ma-monitor rin ang kalagayan ng mga matutukoy na benepisyaryo habang ililipat pansamantala ang mga ito sa ibang lugar habang itinatayo ang kanilang paglilipatan.
Sa ganitong paraan aniya, hindi na mangangamba ang mga matutukoy na benepisyaryo ng programa at makapagpapatuloy pa rin ang mga ito sa kanilang hanapbuhay gayundin sa pag-aaral ang kanilang mga anak.
Magugunitang ikinakasa na ng mga Lokal na Pamahalaan ang pagtukoy ng mga lupang pagmamay-ari ng gobyerno para tayuan ng proyektong pabahay katuwang ang bubuoing Technical Working Group para dito. | ulat ni Jaymark Dagala