Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na hindi nito maaaring diktahan kung anong brand o modelo ng jeepney units ang kukunin ng mga kooperatiba at operator bilang pagsunod sa public utility vehicle modernization program (PUVMP).
Sinabi ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III na “walang say” ang LTFRB o ang gobyerno kung anong unit at sa kung anong kumpanya ang pipiliin ng mga jeepney operator sa pagbili ng kanilang mga modernong jeepney.
Binigyang-diin nito na ang mga jeepney cooperative ay maaaring bumili sa alinmang manufacturers, ito man ay locally made o mula sa Japan o China dahil hindi nakikialam ang gobyerno sa prosesong ganap na hinahawakan ng mga kooperatiba.
Nilinaw din ni Guadiz na may awtonomiya ang mga transport cooperative na pumili ng mga manufacturer na inaprubahan ng Department of Trade and Industry na sumusunod sa Philippine National Standard.
Sa kasalukuyan, mayroong 32 modelo ng modernong jeepney ang bumibiyahe sa bansa na kung saan ay locally manufactured o locally assembled jeepneys. | ulat ni Rey Ferrer