Pinuri ni Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda Jr. ang pagkakaaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa notorious na lider ng “Salas Criminal Gang” na si Ernesto Dumon Salas.
Si Salas na Top 1 Most Wanted Person ng Region 12 ay nahuli sa manhunt operation sa Malabon City noong nakaraang linggo.
Ayon kay CIDG Director Police Major General Romeo Caramat, si Salas ay nahaharap sa patong-patong na kaso at matagal nang tinutugis ng batas.
Sangkot si Salas sa operasyon ng iligal na droga at gun for hire sa Ozamis City, General Santos City, at National Capital Region (NCR).
Miyembro rin ito ng “Faisal Criminal Group” na kumikilos sa General Santos City ilang taon na ang nakararaan.
Sinabi ni Gen. Acorda na kapuri-puri ang pagsisikap ng CIDG para tugisin at arestuhin ang mga wanted at notorious na kriminal upang mapanatili ang peace and order sa bansa. | ulat ni Leo Sarne