Asahan na ang karagdagang floating assets sa West Philippine Sea (WPS) ngayong 2024, na layong maiparamdam sa mga Pilipinong mangingisda ang presensya ng pamahalaan at mabigyan ng sapat na access ang mga ito sa mga programa ng gobyerno.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni BFAR Spokesperson Nazario Briguerra na mayroon rin aniya silang nakatakdang paglalayag sa Scarborough Shoal, upang magsagawa ng on board livelihood training sa mga mangingisda sa WPS.
Ang Livelihood Activities to Enhance Fisheries Yields and Economic Gains sa WPS program ay una na aniyang napaglaanan ng P80 million, at madadagdagan pa ngayong 2024.
Ayon sa opisyal, ito ang tinatahak na direksyon ng pamahalaan lalo’t mandato aniya ng administrasyon na masiguro na nabibigyan ng tamang suporta ang mga mangingisda sa WPS.
“Ang direktiba ng ating Pangulo at direktiba ng ating kalihim na hindi mapabayaan ang ating mga mangingisda diyan sa West Philippine Sea; maramdaman nila ang presensiya ng pamahalaan at magkaroon sila ng sapat access sa mga programa ng pamahalaan sa pangisdaan.” —Briguerra. | ulat ni Racquel Bayan