Pinag-aaralan na ng Council for the Welfare of Children ang pagpapalawak pa ng coverage ng Makabata Hotline 1383 sa buong bansa.
Ito ayon kay CWC Executive Director Angelo Tapales ay upang mas maraming hinaing, concern, o katanungan kaugnay sa mga bata at karapatan ng mga ito ang kanilang matugunan.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng opisyal na mula ng ilunsad nila ang hotline na ito noong nakaraang taon, nasa 290 cases aniya ang kanilang natanggap.
Ilan sa mga ito, nagtatanong kaugnay sa karapatan o mga paglabag sa karapatan ng mga bata.
Ang bulto aniya ng mga tawag na kanilang natatanggap, mayroong kinalaman sa physical, sexual, at psychological abuse na natatanggap ng mga kababaihan o kabataang kababaihan.
Sabi ng opisyal, karamihan sa kanilang callers ay mula sa Metro Manila, Region III, at IV.
Ito aniya ang dahilan kung bakit, nasa proseso na sila ngayon ng pagpasok sa MOU kasama ang mga lokal na pamahalaan sa NCR.
Habang pinaplano na rin nila ang pagpapalawig pa ng coverage ng Makabata hotline sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Kaya we are in the process of entering into memorandum of understanding with LGUs ng NCR, itutuloy natin iyan. And we will reach out, we will roll out the Makabata Helpline 1383 dito naman sa Region IV, Region III; perhaps one region in Visayas and one in Mindanao. Hindi naman kasi natin kayang ikutin lahat kaagad iyan because it will entail a lot of budget and manpower pero we want to be more strategic—gusto nating ipakalat iyan sa buong Pilipinas.” —Tapales.| ulat ni Racquel Bayan