Isinusulong ngayon ni Senador Win Gatchalian ang pagtatatag ng Philippine Center for Disease Prevention and Control bilang tugon sa mga kaso ng gastroenteritis sa Baguio City.
Si Senador Gatchalian ay co-author ng Senate Bill No. 1869 o Philippine Center for Disease Prevention and Control (CDC) Act na nagtatakda sa pagtatatag ng Center for Disease Prevention and Control ng Pilipinas kasama ang role nito bilang technical authority sa disease prevention, forecasting, at health security.
Ang panukalang batas ay nagtuturo sa mga local na pamahlaan i-adopt ang mga standard ng CDC, at magtatag ng Epidemiology and Surveillance Units sa kanya-kanyang lugar kabilang ang paglalagay ng pondo para sa mga Disease Surveillance Officer.
Binibigyang-diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng malakas na sistema sa kalusugan, batay na rin sa mga aral na natutunan sa panahon ng pandemya dulot ng COVID-19 at ang kasaluyang outbreak sa Baguio.
Bukod dito, iniakda rin ng Senador ang Senate Bill No. 825 para pagtatatag ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines na nakatuon naman sa komprehensibong pananaliksik at development sa larangan ng virology.
Sa kasalukuyan, may higit 2,700 na kaso na ng gastroenteritis ang naitatala sa Baguio City, na ayon sa mga pagsusuri ay resulta ng fecal contamination sa water sources ng lungsod.| ulat ni EJ Lazaro