Welcome sa Commission on Human Rights ang bagong development sa kaso ni Mary Jane Veloso.
Naglabas ng pahayag ang CHR kasunod ng binitawang commitment ni Indonesian President Joko Widodo na muling susuriin ang desisyon sa drug charges ng Pinay.
Umaasa ang CHR na magreresulta na ito sa kanyang paglaya at pagbabalik sa kanyang pamilya.
Si Veloso ay nahatulan ng kamatayan noong Oktubre 2010 nang makita sa bitbit niyang suitcase ang 2.6 kilograms ng heroin habang nasa Yogyakarta airport sa Indonesia.
Gayunman hindi natuloy ang pagbitay sa Pinay noong 2015 dahil sa pakiusap ng gobyerno ng Pilipinas.
Makalipas ang 13 taon, naghihintay pa rin ang kanyang kaso ng agarang atensyon na posibleng mabigyan ng clemency.
Kaugnay nito, pinuri ng komisyon ang pagsisikap ng ehekutibo na tulungan ang pamilya ni Veloso at payagan silang makipag-ugnayan sa gobyerno ng Indonesia.
Kinikilala din nito ang pagiging maagap ng gobyerno ng Indonesia, kasama ang iba pang mga stakeholder, sa pagbibigay ng mga paraan sa Pilipinas upang magsagawa ng dialogue at diplomatic exchanges upang matugunan ang sitwasyon ni Veloso. | ulat ni Rey Ferrer