Tinawag na kasinungalingan ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig ang naunang pahayag ng Makati City LGU hinggil sa pagsasara ng mga health center at lying-in clinics sa 10 Enlisted Men’s Barrio o EMBo Barangays.
Ito’y matapos ihayag ng Makati City LGU na kailangan nang isara ang mga health center at lying-in clinic dahil sa paso o expired na ang license to operate ng mga ito.
Sa isang pahayag sinabi ng Taguig LGU, mapanlinlang ang pahayag na ito ng Makati City dahil hindi na nangangailangan ng license to operate ng health centers maliban kung ito’y rehistradong primary care facility.
Ayon pa sa Taguig LGU, tanging ang Pitogo Health Center ang nag-iisang primary health facility sa 10 EMBO Barangay at mayroon itong lisensya sa loob ng tatlong taon na may bisa pa.
Kaya naman maaaring magpatuloy ang siyam na iba pang health center at lying-in clinic sa naturang mga barangay kung nanaisin pa nito na magkaloob ng serbisyong medical.
Kasabay nito, inilunsad ng Taguig LGU ang 10 ‘TELEMEDICINE’ hotlines para sa mga residente ng 10 EMBO Barangays habang patuloy ang anila’y pagmamatigas ng Makati City na i-turnover ang mga pasilidad.
Nagbibigay ito ng libreng medical check-up at referral gayundin ng reseta at laboratory request na libre ring makukuha ng mga residente.
Bukas ito mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes.
Samantala, bukas naman ang 31 PHILHEALTH-Accredited health centers at tatlong Super health Centers ng Taguig City para tumanggap ng mga pasyente para sa EMBO Barangays.
Magugunitang inanunsyo na rin ng Makati LGU na wala nang bisa ang Yellow Card at Blue Carad ng mga taga-EMBO Barangay na ginagamit sa libreng gamot, pagpapa ospital at pamamahagi ng cash gift kasunod ng naging desisyon ng Korte Suprema. | ulat ni Jaymark Dagala