Itinanggi ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. na panggigipit ang kanyang pagsasampa ng kaso laban sa dating heneral na nagkalat umano ng fake news tungkol sa pagkakasangkot ng mga pinuno ng PNP at AFP sa destabilization plot laban sa administrasyon.
Paliwanag ng PNP Chief, umaakto lang siya bilang pulis sa nakikitang niyang nagawang paglabag sa batas ni retired AFP General Johnny Macanas Sr. sa kanyang inilabas na vlog.
Giit ng PNP Chief, nirerespeto niya ang kalayaan sa pamamahayag, pero kung may nakita siyang kriminal na gawain, tungkulin niya bilang isang pulis na ipatupad ang batas, lalu na kung may kinalaman ang paglabag sa pambansang seguridad.
Dagdag ng PNP Chief, handa niyang harapin ang anumang reklamo laban sa kanya, kung nais ni Macanas na mag kontra-demanda.
Matatandaang sa Vlog ni Macanas, pinalabas niya na kinukumbinsi umano ng mga pinuno ng PNP at AFP ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bumaba na sa pwesto. | ulat ni Leo Sarne