Ipinauubaya na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Commission on Elections ang beripikasyon ng mga nalikom na pirma sa ilalim ng People’s Initiative campaign na layong baguhin ang 1987 Constitution.
Pahayag ito ng Pangulo kasunod ng mga lumutang na impormasyon na pinangangakuan ng kung anu-anong ayuda ang publiko, kapalit ng kanilang pirma.
“Well, pagka-binayaran ‘yung signature, hindi tatanggapin ng Comelec ‘yun. So walang magandang mangyayari. Ang pagkakaalam ko hindi naman… wala namang ganoon. Ang sinasabi hindi bayaran ng cash, kundi nangangako ng kung anu-anong benefits. It’s—tinitignan namin, sabi ko, “itinanong ko sa ating legislation, totoo ba ‘yan?””— Pangulong Marcos.
Sabi ng Pangulo, kung totoo man ito, malinaw na walang mangyayari sa kampaniyang ito lalo’t hindi kikilalanin ng Comelec ang mga pirma na nalikom nang mayroong kapalit.
Kahit nadadawit aniya ang mga ayuda ng pamahalaan, hindi naman maaaring ipatigil ang pamamahagi nito, lalo’t mayroong mga Pilipino ang nangangailangan ng tulong.
“Hindi naman nagbago yung mga release namin, constant pa rin. So, sabi ko, the other things to…para hindi tayo pagdudahan, i-stop muna natin ‘yung mga pag-release ng mga benepisyo. Hindi naman maganda rin ‘yun kasi may nangangailangan talaga.” — Pangulong Marcos.
Sa huli, sinabi ng Pangulo, na ang Comelec na ang tutukoy o magba-validate sa mga pirmang ito.
“So, we just have to let Comelec do their job, do their work and to validate the signatures. And if there’s suspicion na may ganoon nga ay hindi talaga mabibilang ang mga signature na ‘yun.” — Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan