Nai-refer na sa Senate Committee on Constitutional Amendments, na pinamumunuan ni Senador Robin Padilla, ang Resolution of Both Houses no. 6 o ang Economic Charter Change (Cha-Cha) na isinusulong ni Senate President Juan Miguel Zubiri.
Ang pagkakatalaga ng RBH No. 6 sa komite ni Padilla ay nangyari pagkatapos ang naging caucus ng mga senador kahapon.
Matatandaang una nang ipinahayag ni Zubiri na si Senador Sonny Angara ang mamumuno sa pagdinig ng Economic Cha-Cha sa ilalim ng isang subcommittee on constitutional ammendments.
Ipinaliwanag noon ni Zubiri na si Angara ang hahawak sa deliberasyon ng panukalang economic cha-cha dahil mangangailangan ito ng expertise ng isang abogado.
Samantala, naitalaga naman sa Senate Committee on Electoral Reforms na pinamumunuan ni Senador Imee Marcos ang resolusyon na naglalayong imbestigahan ang napapaulat na pay-offs para sa pangangalap ng pirma para sa People’s Initiative. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion