Hiniling ng isang mambabatas sa Kongreso na gawing prayoridad ang pagpapatibay sa panukalang ‘price subsidy program.’
Ayon kay Agri Party-list Representative Wilbert Lee, sa paraang ito ay makakamit aniya ang ₱20 kada kilo ng bigas na presyo sa merkado na isa sa mithiin ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa ilalim ng House Bill 9020 o Cheaper Price Act, papatungan aniya ng lima hanggang 10 piso ang presyo ng palay kada kilo na bibilhin ng gobyerno sa local farmers upang kumita sila at maengganyong taasan ang produksyon.
Kasabay nito ay mapapababa naman aniya ang presyo ng bigas sa merkado at maabot din food security at food sufficiency.
Tinukoy ng mambabatas na batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, sumipa sa 19.6 percent ang rice inflation nitong Disyembre 2023 na pinakamataas mula nang maitala ang 22.9 percent noong Marso 2009. | ulat ni Kathleen Jean Forbes