Inihayag ng Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO) na bukas ang kanilang pintuan sa mga miyembro ng Senate Committee on Games and Amusement upang obserbahan at bumuo ng rekomendasyon sa operasyon ng mga lotto draw.
Ayon kay PCSO General Manager Mel Robles, kumpiyansa siya sa sistema ng mga lotto draw ng ahensya.
Sa isang liham na ipinadala ni Robles na may petsang January 22, iniimbitahan nito ang ilang mambabatas na saksihan ang operasyon ng lotto simula sa pre-draw preparation hanggang sa actual draw para sa interest ng transparency.
Inimbitahan din ng PCSO ang mga senador na magsagawa ng unannounced inspection upang mawala ang mga pag-aalinlangan sa operasyon ng lotto.
Ang personal na makita at ma-obserbahan ng mga senador ang proseso ng lotto draws ang pinakamagandang paraan aniya upang mapawi ang mga pag-aalinlangan sa integridad ng resulta nito.
Ani Robles, sa nakalipas na 89 na taon napanatili ng PCSO ang integridad nito at patuloy anilang itataguyod ang malinis na pangalan ng ahensya. | ulat ni Diane Lear