Nagbabala ang cybersecurity firm na Fortinet sa mga kumpanya sa Pilipinas hinggil sa pagtaas ng mga insidente ng ransomware ngayong taon.
Sa isang survey na isinagawa ng International Data Corp. (IDC), ang ransomware attack at phishing ang mga naitalang pangunahing banta sa cybersecurity sa bansa.
Ang phishing ay isang aktibidad kung saan nakatatanggap ng mga kahina-hinalang link ang mga indibidwal mula sa mga hacker sa pamamagitan ng pagpapadala ng text at email. Ito ay humahantong sa mga pekeng website kung saan maaaring makuha ang personal na impormasyon.
Samantala, ang ransomware ay karaniwang tina-target ang malalaking organisasyon sa pamamagitan ng isang cyberattack o data hostage kung saan kailangang magbayad ng ransom o malaking halaga upang mabawi ang access sa data at system.
Patuloy na pinaaalalahanan ang lahat na maging mapanuri at mapagmatiyag online. | ulat ni Jollie Mar Acuyong
📸: PNA