Pumalo na sa PhP 136.57 million ang halaga ng pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura dulot ng epekto ng shearline.
Batay sa pinakahuling ulat ng Department of Agriculture (DA), nasa 1,141 metric tons (MT) na ang mga nasirang produkto at 9,043 ektarya ng agricultural areas ang apektado.
Ayon pa sa ulat, kabuuang 6,923 ang bilang ng mga magsasaka sa Davao at Caraga Regions, ang naapektuhan ang kabuhayan.
Karamihan sa mga napinsala ang mga gulay, mais at palay.
Gayunman, patuloy pa ang ginagawang assessment ng regional offices ng DA sa Davao at Caraga para malaman pa ang buong pinsala sa agriculture at fishery sector.
Samantala, tiniyak naman ng DA na may nakahanda nang interventions para sa mga apektadong magsasaka at mangingisda sa mga nasabing rehiyon.| ulat ni Rey Ferrer