Umabot sa 216,000 piraso ng ipinagbabawal na paputok na nagkakahalaga ng ₱4.1 milyon ang nakumpiska ng PNP sa kanilang Oplan Ligtas Paskuhan 2023.
Ayon kay PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., kahanga-hanga ang doble-kayod na ginawa ng mga pulis, dahil mas mataas ito sa ₱2.5 milyong halaga ng nakumpiska noong nakalipas na taon.
Gayunman, sinabi ni Gen. Acorda na sa kabila ng malaking bilang ng nakumpiskang iligal na paputok, nakakalungkot na tumaas ang bilang ng fireworks-related injuries.
Hanggang kaninang alas-6 ng umaga, sinabi ni Acorda, may 935 injuries ang naitala na mas mataas kumpara sa 255 noong nakaraang taon.
Sabi ng PNP Chief na pag-aaralan nila ang mga posibleng dahilan kung bakit tumaas ang bilang ng napinsala sa paputok, kabilang na rito ang paglaganap ng online selling. | ulat ni Leo Sarne