Sinibak na sa serbisyo si Police Major Allan Avena De Castro na isa sa mga suspek sa pagkawala ng Batangas beauty queen na si Catherine Camilon.
Ayon kay Police Regional Office (PRO) 4A Regional Director Police BGen. Kenneth Lucas, nilagdaan niya ang dismissal order na epektibo nitong Enero 16, matapos ang masusing imbestigasyon ng PRO 4A at Internal Affairs Service.
Ang pagsibak kay De Castro ay alinsunod sa administratibong kaso nito na ‘conduct unbecoming of a police officer’, dahil sa kanya umanong “extra marital affair” sa nawawalang beauty queen.
Nilinaw naman ni BGen. Lucas na ang administratibong aksyon laban kay De Castro ay bukod pa sa kinakaharap nitong kriminal na imbestigasyon sa pagkawala ni Camilon.
Si Camilon ay unang iniulat na nawawala noong Oktubre 12 matapos magpaalam at makikipagkita umano kay De Castro. | ulat ni Leo Sarne