Ipagpapatuloy ng Senate Committee on Energy ang pagdinig nito tungkol sa pag-rebyu ng prangkisa ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa susunod na linggo, January 10.
Partikular na bibigyang pansin sa magiging pagdinig ang power crisis sa Panay Island
Ayon kay Energy Committee chairman Senador Raffy Tulfo, ang malawakang brownout sa Panay Islad ay bunga ng kapalpakan ng NGCP dahil hindi nito na-maintain ang stability ng grid na bahagi ng kanilang tungkulin.
Binigyang diin ni Tulfo na hindi ito ang unang beses na nangyari ang pagbagsak ng kuryente sa Panay.
Noong April 2023 ay nagkaroon na rin aniya ng malawakang rotational brownout sa Panay at Negros dahil sa line fault o pagpalpak ng mga transmission lines ng NGCP.
Giniit ng senador na ang paulit-ulit na kapalpakan ng NGCP ay sapat nang grounds para rebyuhin ang prangkisa nito.
Tinawagan na rin ni Tulfo si NEA Administrator Antonio Mariano Almeda ngayong araw para humingi ng update tungkol sa problema sa Panay.
Sa ulat na ibinahagi ni Almeda, tinukoy nito na ang hindi paggamit ng NGCP ng ancillary power support ang dahilan kung bakit lumala at hindi naagapan ang malawakang blackout sa Panay Island.
Nakausap na rin ng mambabatas ang DOE at ERC na patuloy na nakamonitor sa mga planta at kaganapan sa Panay. | ulat ni Nimfa Asuncion