Pinaigting pa ng Department of Agriculture ang mga hakbang nito upang matugunan ang ‘armyworm infestation’ na nakakaapekto sa mga magsasaka ng sibuyas sa Nueva Ecija at Tarlac.
Sa tala ng BPI, aabot na sa 366 ektarya ng pananim ang natamaan na ng peste. Kabilang rito ang mga bayan ng Bongabon at Talevera, at Palayan City sa Nueva Ecija, at bayan ng Anao at San Manuel sa Tarlac.
Ayon sa DA, mula pa noong Disyembre, aabot na sa higit dalawang tonelada ng onion seeds na nagkakahalaga ng P30.4 milyon ang naipamahagi na ng pamahalaan sa Central Luzon sa ilalim ng High Value Crops Development Program.
Maging ang BPI at Regional Crop Protection Center ay naglaan na rin ng oil-based insecticides at technical assistance sa mga apektadong onion growers.
Bukod dito, tinatarget ng DA na mamahagi pa ng karagdanag 1.3 tonelada ng binhi na nagkakahalaga ng P20.3 milyon sa onion-producing areas.
Mayroon ding ilalaang apat na cold storage para sa sibuyas na nagkakahalaga naman ng P168 milyon.
Ayon pa sa DA, nangako na rin ang mga LGU na bibili ng karagdagang organic insecticides at pheromone lures pantugon sa peste. | ulat ni Merry Ann Bastasa