Wala nang atrasan ang reklamong inihain ni Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda Jr. laban kay retired Army General Johnny Macanas Sr.
Ito’y kahit pa pinalitan na ni Macanas ang thumbnail ng kaniyang video sa social media page na “The General’s Opinion” na una nang nagdadawit kina Acorda gayundin kay AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. sa isyu ng umano’y destabilisasyon.
Sa pulong-balitaan sa Kampo Crame, binigyang-diin ni Acorda na hindi maaaring maghain ng affidavit of desistance ang isang pulis lalo’t ang nakasaad sa reklamo ay “People of the Philippines” laban sa inirereklamo.
Magugunitang personal na sinampahan ng reklamo ni Acorda si Macanas ng paglabag sa Article 154 ng Republic Act 10951 na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act of 2012 dahil sa pagpapakalat nito ng disinformation at misinformation sa publiko.
Kaya naman sinabi ni Acorda na ngayong nasa mga taga-usig na ang reklamo, kanilang gagawin kung ano ang tama at dapat upang mapigilan ang anumang pagtatangka na sirain ang imahe ng organisasyong kaniyang kinabibilangan. | ulat ni Jaymark Dagala