Puspusan ang isinasagawang clearing operations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Ayon sa MMDA, umabot sa 60 trash bags ang nakolekta nito sa Luneta Park sa Maynila na dinayo ng publiko noong Bagong Taon.
Sa paglilinis ng mga miyembro ng MMDA Metro Parkways Clearing Group, matiyaga nilang winalis, iniligpit, at hinakot ang samu’t saring basura.
Karamihan sa mga nakolekta rito ay bote, plastik, tirang pagkain, straw, at karton na iniwan ng mga namasyal sa lugar.
Umapela naman ng MMDA sa publiko ngayong Bagong Taon, na maging responsableng tagapangalaga ng kalikasan sa pamamagitan ng pagtatapon ng kalat sa tamang lugar at pagre-recycle ng basura na maaari pang mapakinabangan. | ulat ni Diane Lear