Sen. Estrada, umapelang resolbahin agad ang power crisis sa Panay Island
Nanawagan si Sen. Jinggoy Estrada sa gobyerno na resolbahin ang malawakang power outage o kawalan ng kuryente sa Panay Island.
Nakakalungkot aniya na ikalawang araw pa lang ng bagong taon ay brownout agad ang kinaharap ng mga kababayan natin sa Western Visayas.
Binigyang diin ni Estrada na hindi lang ang mga kabahayan ang apektado ng kawalan ng kuryente kundi maging ang mga negosyo, ospital at iba pang mahahalagang serbisyo na nakadepende sa suplay ng kuryente.
Kaya naman dapat aniyang solusyunan ang isyung ito ng mabilis at episyente.
Umapela rin ang senador sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at mga may kaugnayang stakeholder na iprayoridad at bilisan ang resolusyon sa power crisis sa Panay Island.
Umaasa ang mambabatas na hindi hahayaan ng gobyerno na magtagal pa ang krisis na ito.| ulat ni Nimfa Asuncion