Kumpiyansa si Senate President Pro Tempore Loren Legarda na epektibong magagampanan ni Senador Pia Cayetano ang kanyang bagong tungkulin bilang chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ito ay matapos palitan ni Cayetano kahapon si Senador Francis Tolentino matapos nitong mag-resign bilang Blue Ribbon chairperson.
Si Senador Pia ang kauna-unahang babaeng chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee sa kasaysayan ng Philippine Senate.
Ayon kay Legarda, tiwala siya sa commitment ni Senador Pia sa pagtataguyod ng prinsipyo ng transparency, accountability, at good governance.
Aantabayanan aniya ni Legarda ang magiging pamumuno ni Cayetano sa Blue Ribbon Committee sa pagbusisi ng mga isyung mahalaga sa publiko, pagkilatis sa mga aksyon ng gobyerno, at pagtitiyak na epektibo at episyenteng napapatupad ng mga opisina ng pamahalaan ang mga batas ng bansa.
Umaasa rin si Legarda na ang pagkakatalagang ito ni Cayetano ang magpapataas ng representasyon ng mga kababaihan sa mga pangunahing decision-making bodies ng bansa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion