Nakiisa si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Commission on Elections (COMELEC) na tiyaking balido ang mga pirmang nakalap para sa People’s Initiative .
Sa pulong balitaan sa Senado, nagbahagi ng update si Villanueva sa naging tugon ng taumbayan sa kanyang panawagan kahapon na isumbong sa kanila ang mga nanunuhol para sa signature campaign para sa Cha-Cha.
Sinabi ng majority leader na matapos lang ang bente kwatro oras ay nakakuha sila ng libu-libong mga litrato at reklamo tungkol sa mga taong nagpapapirma sa kanila.
Aniya, 90 percent ng mga nagsumbong sa kanilang tanggapan ay itinuturo ang mga staff ng mga kongresista mula sa Kamara na nagpapirma sa kanila para sa PI.
Nakausap na aniya si Senator Imee Marcos para imbitahan ang mga nagsusumbong na isama ang mga sumbong sa kanyang tanggapan sa gagawing pagdinig ng Committee on Electoral Reforms tungkol sa signature campaign para sa People’s Initiative.
Ang mga ebidensyang ito aniya ang gagamitin nila para makatulong na ma-invalidate ang mga pirma ng mga kababayan nating naloko o napilit na pumirma para sa naturang inisyatibo.| ulat ni Nimfa Asuncion