Hinikayat ni Senate Majority Leader Joel Villanueva si House Speaker Martin Romualdez na magsalita at ipatigil na ang pangangalap ng pirma para sa People’s Initiative.
Sinabi ito ni Villanueva matapos makatanggap ng mga impormasyon na maraming mga kongresista mula sa mababang kapulungan ang nangunguna sa pangangalap ng pirma para sa PI.
Giit ni Villanueva, ang pagsasalita ni Speaker Romualdez ang nararapat at kailangang mangyari para mapanatag ang Senado na may katuwang sila sa pagpapatigil nito.
Binahagi pa ng majority leader na sa naging caucus ng mga senador kahapon ay nagkainitan ng ulo dahil sa nangyayaring pagpapapirma para sa People’s Initiative.
Kaya naman dapat na aniyang sagutin ng kanilang counterpart sa Kamara ang kanilang pakay.
Samantala, sinabi rin ni Villanueva na siya mismo ang mangunguna sa pagbawi ng mga pirma ng mga kababayan niya sa Bulacan na naloko o napilit na pumirma para sa People’s Initiative signature campaign.| ulat ni Nimfa Asuncion