Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Benjamin Acorda Jr. na magpapatupad ng signal jamming at no fly zone sa Lungsod ng Maynila sa mismong araw ng Traslacion 2024 sa Enero 9.
Ito ang pahayag ni Acorda sa isang ambush interview sa Kampo Crame ngayong hapon.
Ayon sa PNP Chief, walang oras na ibinigay kung kailan magsisimula at magtatapos ang signal jamming at no-fly zone dahil nakadepende ito sa threat assessment na ipararating sa Direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Dagdag pa ni Acorda, kasama ito sa mga tinalakay sa isinagawang security cluster meeting sa Palasyo ng Malacañang kaninang umaga kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Kasunod nito, iniulat din ng PNP Chief ang atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tutukan at tiyaking magiging ligtas, tahimik at mapayapa ang pagdaraos ng Traslacion.
Mahigit 15,000 pulis ang ipakakalat mula sa Quirino Grandstand, rutang daraanan ng Traslacion hanggang sa Basilica Minore ng Poong Itim na Nazareno sa pagsisimula hanggang sa pagtatapos ng prusisyon. | ulat ni Jaymark Dagala