Nakakuha ng commitment ang Kamara mula sa San Miguel Corp. (SMC) na aaralin nila kung paano mabibigyan ng diskwento ang mga senior at PWD sa expressways na kanilang pinamamahalaan.
Ito ang inihayag ni dating DPWH undersecretary Rafael Yabut, na siya ngayong pinuno ng SMC Infrastructure Group sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Ways and Means Committee.
Matatandaang nagpatawag ng inquiry ang komite salig sa atas ni Speaker Martin Romualdez, na alamin kung tumatalima ba ang mga kumpanya sa pagbibigay ng diskwento sa seniors at PWDs.
Ayon kay Yabut, makikipag-ugnayan sila sa Toll Regulatory Board (TRB) at iba pang ahensya kung paano ito maipapatupad.
Mungkahi naman ni Albay Rep. Joey Salceda, Chair ng komite, imbes na bawasan ng 20 percent ang presyo ng RFID ay dagdagan na lang ang top-up load ng RFID na katumbas ng 20%.
Kailangan naman na ang sasakyan kung saan nakakabit ang RFID ay nakapangalan sa senior o PWD.
“In other words, it would be an add-on. If you buy P5,000, you get P6,000, or P1,000 more, which is equivalent to 20 percent. There is no loss on the part of the expressway/skyway operator,” saad ni Salceda.
Bukas si Yabut sa suhestyon at kanila aniyang aaralin.
Ang SMC ang operator ng Metro Manila at Ninoy Aquino International Airport skyway system, South Luzon Expressway, Southern Tagalog Arterial Road, at Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway. | ulat ni Kathleen Forbes