Gumagawa na ng hakbang ang Department of Agriculture (DA) para matugunan ang over production ng gulay gaya ng repolyo sa ilang lugar sa bansa.
Kabilang dito ang Benguet at ang Dalaguete sa lalawigan ng Cebu.
Ayon kay DA Spokesperson Arnel de Mesa, nagkaroon ng pagtaas ng produksyon ng gulay sa mga naturang lugar dahil sa magandang panahon.
Bilang tugon naman ay nakikipag-ugnayan na ang DA sa regional offices nito at sa LGU para matulungan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng market linkage.
Kasama rin sa nakikitang solusyon ng kagawaran ang pagbubukas ng mas maraming Kadiwa stores upang direktang maihatid ng mga magsasaka ang kanilang ani sa mga mamimili.
“Nag-usap na kami ni Junibert kanina para tingnan itong mga sobrang production and magkaroon ng Kadiwa. ‘Yung region naman ay tuloy-tuloy ‘yung Kadiwa nila so isa ‘yan sa mga solusyon talaga na ma-directly na maibenta ng mga producer doon sa Kadiwa ang mga ganitong produkto,” ani De Mesa. | ulat ni Merry Ann Bastasa