Ibinida ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Benjamin Acorda Jr. ang panibagong accomplishment ng Pulisya.
Ito’y makaraang maharang ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) at Pasay City Police Office ang tangkang pagdukot ng apat na indibidwal kabilang na ang isang dating pulis sa isang babaeng Chinese.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame sinabi ng PNP Chief, na naaktuhan ng mga operatiba ng Pasay Police ang tangkang pagdukot ng mga naarestong suspek sa Chinese Businesswoman sa Brgy. 6, Roxas Boulevard sa nabanggit na lungsod.
Nagkaroon aniya ng komosyon habang isinasakay sa kulay itim na SUV ang biktima, na siyang nagbigay hudyat sa mga pulis upang rumesponde sa insidete.
Itinago muna ang pangalan ng mga suspek sa mga alias na Joe na isang dating pulis gayundin sina alias Jhing, John at Arn-arn.
Nakuha sa mga naaresto ang kulay itim na SUV na gagamiting getaway vehicle, revolver na paltik, limang bala ng kalibre 38 baril, tatlong plastic sachet ng hinihinalang shabu, aluminum foil, dalawang kutsilyo, tatlong handheld radio, duct tape at martilyo.
Nahaharap naman ang mga suspek sa kasong attempted kidnapping, violation of Republic Act (RA) 10591 (Illegal Possession of Firearms), RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act), at BP 6 (Illegal Possession of Bladed, Pointed or Blunt Weapon). | ulat ni Jaymark Dagala