Nakararanas na ng mas mababa sa normal na ulan ang ilang lalawigan sa bansa dahil sa El Niño.
Ayon sa monitoring ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), may ilang lugar sa bansa ang nakaranas ng 20% hanggang 60% reduction ng tubig-ulan bunsod ng El Niño phenomenon.
Kabilang dito ang Cavite na mas mababa na sa normal ang natatanggap na ulan sa nakalipas na apat hanggang limang buwan at ang Nueva Ecija na apektado na rin ng dry spell.
Batay rin sa forecast ng PAGASA, inaasahang aabot sa 56 na mga probinsya sa Pilipinas ang maaapektuhan ng matinding tagtuyot at makararanas ng mainit na temperatura na aabot sa 40 degrees Celsius dahil sa El Niño.
Kaugnay nito, patuloy na pinaghahanda ng PAGASA ang iba’t ibang ahensya sa posibilidad na humaba ang epekto ng tagtuyot dulot ng El Niño.
Kasama na rito ang pagkakaroon ng rain catching facilities ng mga lokal na pamahalaan. | ulat ni Merry Ann Bastasa