Marami pang dapat gawin ang pamahalaan upang mapaunlad ang buhay at kabuhayan ng mga Pilipino sa pagpasok ng 2024 partikular na sa sektor ng paggawa.
Ito ang paniniwala ng National Economic and Development Authority (NEDA) makaraang maitala ng Philippine Statistics Authority ang 3.6% na pagbaba ng unemployment o bilang ng mga walang trabaho sa bansa noong Nobyembre ng 2023.
Batay sa ulat ng PSA, katumbas ito ng 1.83 milyong Pilipino na walang trabaho o mas mababa ng 350,000 kumpara sa 2.18 milyong Pilipino na walang trabaho noong Nobyembre 2022 o 4.2%.
Ayon kay NEDA Sec. Arsenio Balisacan, kailangang palawakin pa ang digital economy kabilang na ang digitalization sa Micro, Small at Medium Enterprise upang lalo pang mapataas ang bilang ng mga nagkakatrabaho.
“Digitalization enables alternative work arrangements, particularly for the youth, women, and those in the creative sector. This will help address the declining labor force,” wika ng NEDA chief.
Dahil dito, sinabi ni Balisacan na pagkakataon na ito upang samantalahin ang mga ipinatutupad na reporma upang makahikayat ng mas maraming mamumuhunan partikular na sa digital infrastructure. | ulat ni Jaymark Dagala