Patuloy ang pagbaba ng unemployment rate o bilang ng mga walang trabaho sa bansa.
Batay sa pinakahuling labor force participation survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba pa sa 3.6% ang unemployment rate nitong Nobyembre ng 2023 mula sa 4.2% noong Oktubre.
Katumbas rin ito ng tinatayang 257,000 Pilipino na nadagdag sa labor force mula Oktubre hanggang Nobyembre ng 2023.
Kaugnay nito, tumaas rin sa 96.4% ang employment rate o katumbas naman ng 49.64 milyong mga Pilipino may trabaho o negosyo.
Mas mataas din ito kumpara sa naitalang 95.8% employment rate noong Oktubre.
Ayon kay PSA Chief at National Statistician Undersecretary Dennis Mapa, ang pagtaas sa bilang ng may trabaho noong Nobyembre ay bunsod pa rin ng tipikal na pagtaas ng economic activities tuwing ikahuling quarter ng taon.
Kabilang naman sa mga sektor na may pagtaas sa bilang ng may trabaho o negosyo ay ang agriculture at forestry, construction, transportation at storage, fishing at aquaculture, pati na administrative at support service activities.
Samantala, naitala rin sa 11.7% ang underemployment rate o bilang ng underemployed o mga manggagawang hindi napapasweldo ng sapat at nasa trabahong hindi angkop sa kanilang kakayahan. | ulat ni Merry Ann Bastasa