Inatasan na ni Philippine National Police (PNP) Chief, P/Gen. Benjamin Acorda Jr. ang kanilang Anti-Cybercrime Group para tugisin ang vlogger na nagpapakilalang isang retiradong heneral ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Ito’y matapos ipakalat ng umano’y isang retired Army General na si Johnny Macanas Sr. sa kaniyang youtube video na kinukumbinsi umano ng PNP Chief at ni AFP Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr. si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magbitiw umano sa puwesto.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, P/Col. Jean Fajardo, walang katotohanan ang nakasaad sa video at ito’y malinaw na isang uri ng paninira at disinformation.
Dahil dito, nanawagan ang PNP sa publiko na huwag ipakalat ang video dahil bukod sa wala nang katotohanan ang nilalaman nito, may katapat itong kaparusahan salig sa Anti-Cybercrime Act of 2012.
Nabatid na ang youtube page na “The General’s Opinion” ay mayroon nang mahigit 100,000 subscribers at followers. | ulat ni Jaymark Dagala