Hinikayat ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Z. Duterte ang lahat ng mga stakeholders na lumahok sa mga isasagawang regional consultation hinggil sa mungkahing ibalik sa dating school calender ang School Year 2024-2025.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas sa Bise Presidente, may naisagawa na silang isang konsultasyon kasama ang DepEd employees at stakeholders, maging sa mga private school.
At plano nilang magsagawa ng serye ng mga regional consultations upang makuha ang feedbacks at rekomendasyon ng lahat na kanilang magiging batayan sa gagawing desisyon tungkol sa pagrevert ng school calendar sa buwan ng Hunyo hanggang Marso, mula sa kasalukuyang school calendar na nagsisimula sa Agosto hanggang Mayo.
Hindi na nagpahayag ng kanyang personal na opinyon ang Bise Presidente tungkol sa naturang mungkahi, dahil aniya, ang desisyon ng DepEd ay binabase nila sa mga pag-aaral ng mga eksperto, research at surveys, at maging sa mga feedback mula sa mga estudyante, empleyado, at stakeholders.| ulat ni Maymay Benedicto| RP1 Davao