Mas marami ang suplay ng bigas ngayon sa mga pamilihan dahil bukod sa pagdating ng mga imported na bigas, bagsakan din ngayon ng mga bagong ani mula sa mga palayan.
Ang resulta, mas mababang presyo ng bigas na aabot sa ₱50 kada kilo para sa well-milled rice, mula sa dating ₱52/kilo noong isang buwan.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa Pasig City Mega Market, may ilang nagbebenta rin ng ₱44 hanggang ₱45 kada kilo ng bigas subalit mas mababa ang kalidad nito o kung tawagin ay durog na bigas.
Una nang inihayag ng Department of Agriculture na asahan nang bababa pa ang presyo ng well-milled rice sa ₱44 hanggang ₱46 kada kilo.
Batay naman sa pagtaya ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ay posibleng maglaro sa ₱47 hanggang ₱48 kada kilo ng bigas.
Kumpiyansa naman ang mga nagtitinda ng bigas na magiging matatag ang presyuhan nito basta’t may sapat na suplay sa kabila na rin ng paghagupit ng El Niño phenomenon. | ulat ni Jaymark Dagala