Ipinagkaloob ng pamahalaan ng Estados Unidos sa pamamagitan ng United States Agency for International Development (USAID) ang 70 milyong pisong halaga ng humanitarian aid para sa mga biktima ng pagbaha at landslide sa Mindanao.
Ang pondo ay para sa emergency food, shelter, water, sanitation, at essential hygiene items, na pang-suporta sa mga apektadong komunidad sa Davao de Oro, Davao del Norte, at Davao City sa Mindanao.
Makikipagtulungan ang USAID sa Catholic Relief Services at Action Against Hunger para masiguro na ang tulong ay makakarating sa mga pinaka-bulnerableng grupo, kabilang ang single-parent households, persons with disabilities, mga nagdadalang-tao, mga matatanda, mararalitang pamilya, at mga katutubo.
Bukod dito, nag-deploy din ang Estados Unidos ang dalawang C-130 aircraft, para tumulong sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Office of Civil Defense (OCD), at USAID sa paghahatid ng 15,000 DSWD food packs sa mga apektadong pamilya.
Noong nakaraang linggo, nakipagtulungan din ang USAID sa Department of Human Settlements and Urban Development at International Organization for Migration, para magkaloob ng emergency shelter sa 5000 apektadong indibidual at sumuporta sa World Food Programme sa paghahatid ng DSWD food packs sa 65,000 pamilya. | ulat ni Leo Sarne