Tagumpay na naisagawa ng pinagsanib na pwersa ng mga ahensya ng pamahalaan ang rescue operation sa mga pasahero na lulan ng isang lantsa na ML/Shara-J mula Taganak Island patungo sanang Zamboanga City nitong Biyernes, ikasiyam ng Pebrero, nang masiraan ng makina habang naglalayag dahil sa malakas na alon.
Kabilang sa mga rumesponde ang Coast Guard Station -Western Sulu, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO Sulu), PNP Maritime Sulu, Ministry of Social Services and Development (MSSD Sulu) at iba pa.
Base sa impormasyon mula sa Coast Guard Western Sulu at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, 18 katao ang kanilang nailigtas sa Damay Island. Sa naturang bilang, lima rito ay mga crew ng lantsa at 13 ay mga pasahero kasama na ang isang minor.
Nauna nang nailigtas ng dumadaang fishing boat ang pitong pasahero kagabi, at nasundan ng 11 kaninang hapon.
Pasalamat ng PCG na wala ni isa sa kanila ang napahamak. Binigyan agad ng makakain ng mga tauhan ng PCG ang mga ito pagkarating sa Jolo, bago dinala sa IPHO Sulu Provincial Hospital para isailalim sa medical checkup, bago naman dalhin sa tanggapan ng MSSD para makakain ng hapunan bago tuluyang iturnover sa kanilang mga kamag-anak dito sa Jolo.
Sa kwento ng PCG, nakatanggap sila ng distress call mula sa naturang lantsa nitong Biyernes ng hapon kaya kaagad na nagsagawa ng rescue operation ang PCG Pangutaran substation sa tulong ng LGU Pangutaran, pero hindi nila ito nakita. Kaya nagkasang muli ng rescue operation ang PCG sa tulong ng kanilang partner agencies at kalaunan ay nakita rin ang mga biktima.| ulat ni Fatma Jinno| RP1 Jolo