Lalo pang bumagal sa 2.8% inflation o galaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa sa buwan ng Enero ngayong 2024 ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ito ang pinakamababang inflation na naitala sa bansa mula noong Oktubre 2020.
Mas mababa ito sa 3.9% inflation noong Disyembre at 8.7% inflation sa kaparehong buwan ng 2023.
Pasok rin ito sa pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nasa 2.8%-3.6%.
Paliwanag ni PSA National Statistician at Undersecretary Dennis Mapa, bunsod ito ng pagbagal sa inflation sa food and non-alcoholic beverages na bumagal sa 3.5%.
Kabilang dito ang mas mabagal na galaw sa presyo ng gulay gaya ng sibuyas, isda, at karne kabilang ang manok.
Nakaambag rin ang pagbagal sa inflation sa renta sa bahay, kuryente, at tubig.
Ikatlong nakaambag rin sa inflation ang pagbaba sa presyo ng gasolina.
Sa National Capital Region (NCR) naman, bumagal rin sa 2.8% ang inflation mula sa 3.5% noong Disyembre habang 2.8% naman sa labas ng NCR. | ulat ni Merry Ann Bastasa