Matagumpay na naisagawa ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang hindi bababa sa 28 Rotation and Re-supply o RoRe mission nito sa West Philippine Sea noong nakalipas na taon.
Ito’y ayon sa AFP ay sa kabila na rin ng presensya ng mga barko ng China sa iba’t-ibang dako ng nabanggit na karagatan.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad, sa kabuuang 28 RoRe missions, 14 dito ay para sa Ayungin Shoal habang ang nalalabi naman ay sa ibang teritoryo na sakop ng Kalayaan group of islands.
Sa 14 na RORE missions sa Ayungin Shoal, 3 beses na nakaranas ng pang-aapi mula sa mga barko ng China ang AFP kung saan naitala ang pambobomba ng tubig sa mga buwan ng Agosto, Nobyembre at Disyembre.
Una nang ini-ulat ng AFP na naging “flawless” o matiwasay ang isinagawang RoRe mission sa Ayungin Shoal kung saan nakasadsad ang BRP Sierra Madre.
Ayon kay AFP Spokesperson, Col. Francel Padilla, bagaman may presensya pa rin ng mga barko ng China, nanahimik lamang ang mga ito.
Pagtitiyak naman ng AFP, na mananatili silang tapat sa kanilang mandato at hindi magpapatinag sa kanilang mga susunod na misyon. | ulat ni Jaymark Dagala