Sinampahan nang patong-patong na kaso ang tatlong Chinese Nationals na gumamit ng fireworks sa pagdiriwang ng Chinese New Year sa Davao City nitong nakaraang weekend.
Sa mensahe ni Davao City Police Office Spokesperson Capt. Hazel Tuazon, sinabi nito na isinampa na ngayong araw ng Talomo Police Station sa piskalya ang mga kasong paglabag sa Total Firecracker Ban Ordinance, Alarms & Scandals, Disobedience to an Agent of Person in Authority at iba pa laban kina Timothy Tan, Thang Su at Wang Su.
Sa report ng kapulisan, gumamit umano ng fireworks ang mga nasabing banyaga sa kanilang nirerentahang bahay sa Royal Pines Subdivision, Shrine Hills Matina noong hatinggabi ng Pebrero 10, 2024.
Nabulabog ang mga tao sa palibot ng nasabing subdivision dahil mahigpit itong ipinagbabawal sa lungsod kaya isinumbong agad ito sa kapulisan.
Agad naman itong nirespondehan pero nagmatigas umano ang mga nasabing banyaga na humarap sa kapulisan. | ulat ni Armando Fenequito | RP1 Davao