May kabuuang 389 residente ng Marikina City ang nakinabang sa libreng Theoretical Driving Course (TDC) na isinagawa ng Land Transportation Office (LTO).
Ang aktibidad ay bahagi ng outreach program ng LTO sa ilalim ng Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sinabi ni LTO Chief Vigor Mendoza II, ang libreng TDC program ay isinagawa ng Marikina District Office para sa mga residente ng Barangay Tañong, San Roque, Nangka at Fortune, at saklaw din nito ang pre-registration para sa driver’s license application.
Nagsimula ang dalawang araw na libreng TDC kahapon, na may 120 residente mula sa mga nasabing barangay.
Ang outreach program ay nasa ilalim ng Serbisyong Ligtas, Tapat at Organisado (Serbisyong LTO), at ang Pinabilis sa Barangay ang Bawat Serbisyo para Magproseso, Magparehistro at Magpa-lisensya (PBBM).
Nauna nang inatasan ang lahat ng LTO Regional Directors at District Office heads na magsagawa ng mas maraming libreng TDC programs bilang tulong sa mga Pilipino, gayundin palawakin ang layunin ng DOTr at LTO na makabuo ng mas responsable at disiplinadong motorista sa buong bansa.
Ang TDC ay isa sa mga pangunahing requirements sa pagkuha ng lisensya sa pagmamaneho.| ulat ni Rey Ferrer