Iniulat ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) na nagkaroon ng 40 porsyentong pagbaba sa naitalang kaso ng online scams noong nakaraang buwan, kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon kay ACG Director Police Brig. Gen. Sydney Sultan Hernia, ang pagbaba ng bilang ng mga naturang kaso sa 624 nitong Enero 2024 mula sa 1,045 noong Enero 2023, ay bunga ng pinaigting na cyberpatrolling ng ACG.
Sa ngayon aniya ay pinalalawak ng ACG ang kanilang presensya sa buong bansa sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga bagong tanggapan sa iba’t ibang rehiyon, probinsya at distrito, kasabay ng paglalagay ng cybercime desks sa bawat istasyon ng pulis.
Pinalalakas din aniya nila ang kakayahan ng mga pulis kontra sa cybercrime sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagsasanay.
Hinimok naman ni BGen. Hernia ang mamamayan na patuloy na makipagtulungan sa pulis sa pamamagitan ng aktibong pagsusumbong ng mga insidente ng cybercrime upang agad maaksyunan. | ulat ni Leo Sarne