Limang pulis ang nahatulan ng pagkakakulong kaugnay sa palpak na operasyon na humantong sa pagkakapaslang sa binatang si Jemboy Baltazar dahil sa ‘mistaken identity’ noong Agosto ng 2023.
Sa desisyon ng Navotas RTC 286, convicted sa kasong homicide ang akusadong si Police Staff Sgt. Gerry Maliban at may kaakibat na pagkakakulong na 4-6 taon.
Samantala, guilty rin sa illegal discharge of firearms at hinatulang makulong ng apat na buwan sina PEMS Roberto Balais Jr., PSSSgt. Nikko Pines Esquilon, PCpl. Edward Jose Blanco at Patrolman Benedict Mangada
Habang acquited naman si PSSSgt. Antonio Bugayong Jr.
Bukod sa mga akusado, personal na dumalo rin sa isinagawang promulgation ngayong araw ang mga magulang ni Jemboy Baltazar at ang tumayong testigo at kaibigan nitong si Sonny Boy Agustilo.
Inilabas ng korte ang hatol nito anim na buwan mula nang maganap ang pamamaril sa binata.
Magugunitang noong Agosto 2, 2023 nang mapatay ng mga pulis si Baltazar habang naghahanda sanang mangisda sa Brgy. NBBS Kaunlaran.
Inamin ng mga pulis na mistaken identity o napagkamalan nilang si Baltazar ang suspek na kanilang tinutugis. | ulat ni Merry Ann Bastasa