Tinatarget ngayon ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na i-train ang aabot sa higit 52,000 na mga magsasaka ng palay kasama na rin ang kanilang mga dependent sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Extension Services Program (RCEF-RESP) scholarship na alok ng pamahalaan.
Ayon kay TESDA Director General Secretary Suharto Mangudadatu, priority ngayon ng ahensya ang mga agriculture course dahil sa naniniwala ito sa pag-improve ng kasanayan ng mga farm workers upang makakamtan ng bansa ang food security at suffiency.
Bahagi rin umano ito ng mas malawakang plano ng pamahalaan na palakasin ang sektor ng agrikultura, bagay na binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa isang kaganapan sa Candaba, Pampanga.
Inudyok din ni Secretary Mangudadatu ang mga magsasaka na tanggapin ang mga makabago at mas mabuting paraan ng pagsasaka gamit ang tulong ng agham at teknolohiya upang mapataas ang kanilang ani at bawasan ang mga gastusin.
Mula 2019, mahigit 174,000 magsasaka na ng palay sa buong bansa ang nakinabang sa mga programa ng TESDA.| ulat ni EJ Lazaro