Iniulat ni Eastern Mindanao Command (Eastmincom) Spokesperson Colonel Rosa Ma. Cristina Rosete-Manuel, na apat na bangkay na ang narekober at 31 sugatang biktima ang naligtas sa pagpapatuloy ng rescue operations sa naganap na landslide kagabi sa Brgy. Masara, Maco, Davao de Oro.
Base aniya ito sa update mula sa Maco Municipal Disaster Risk Reduction and Management Center (MDRRMC) kaninang alas-2 ng hapon.
Sa ngayon aniya ay 46 indibidwal ang iniulat na nawawala, at 758 na pamilya na ang nasa evacuation Center.
Unang iniulat ng Eastmincom na nailigtas ng rescue teams ang 45 biktima mula sa 86 na empleyado ng APEX mining, na inisyal na iniulat na na-trap ng landslide kagabi.
Itinigil ang rescue Operations kagabi dahil sa sama ng panahon, at itinuloy ngayong araw. | ulat ni Leo Sarne