Naligtas ang siyam na potensyal na biktima ng human trafficking sa Bonggao, Tawi-Tawi sa pinagsanib na operasyon ng Philippine Navy, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, at local government unit.
Sa ulat ng Naval Forces Western Mindanao, ang mga naligtas ay kinabibilangan ng anim na babae at tatlong lalaki na sakay ng MV Magnolia Liliflora, na na-intercept ng mga awtoridad sa Bongao Pier, Brgy Poblacion, Bongao, Tawi-Tawi.
Patungo sana ang mga biktima sa Malaysia para sa ipinangakong trabaho na walang kaukulang mga dokumento.
Base sa salaysay ng mga biktima, sila ay nakatakdang sunduin pagdating sa Malaysia ng Isang Abdul na residente ng Kota Kinabalu, Malaysia; at dalawa pang indibidwal na sina Mila at Ahmin, kapwa ng Tawau, Malaysia.
Ang mga naligtas ay dinala sa Maritime Police Assistance Post sa Bongao Pier para sa profiling at dokumentasyon bago i-turn over sa Office of the Ministry of Social Welfare and Development (MSWDO) Bongao para sa counseling at stress debriefing. | ulat ni Leo Sarne