Pinaalalahanan ni Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group (ACG) Director Police Major General Sydney Sultan Hernia ang publiko na mag-ingat sa pagbibigay ng personal na impormasyon online, o pag-click ng mga hindi kilalang link, para makaiwas na maging biktima ng cyber identity theft.
Ito ay sa gitna ng naitala ng ACG na pagtaas ng kaso ng cyber identity theft noong nakaraang taon, kumpara sa 2022.
Base sa datos ng ACG, umabot sa 1,597 na kaso ng cyber identity theft ang iniulat noong nakaraang taon na mas mataas ng 12.2 porsyento sa 1, 402 na kaso na naitala noong 2022.
Paalala ni Major General Hernia, ang cyber identity theft ay nangyayari kapag ang sensitibong impormasyon ng isang indibidwal ay kumalat sa pamamagitan ng phishing, online scams, o dahil sa pag-download ng malicious software.
Dahil dito, nakokompromiso ang mga ATM ng mga biktima, nagkakaroon ng data breach sa mga website at naha-hack ang mga social media account. | ulat ni Leo Sarne