Naghain na si Senador Raffy Tulfo ng isang resolusyon para maimbestigahan sa Senado ang mga aksidente na idinudulot ng mga nakalaylay na mga kable sa mga kalsada.
Sa Senate Resolution 992 ni Tulfo, giniit nitong nakakabahala na ang pagtaas ng bilang ng mga aksidente sa kalsada dulot ng hindi tamang pagme-maintain ng mga cable wires.
Sa isinusulong na pagdinig ng senador, nais nitong mapatawag ang mga kumpanya ng kuryente, telepono at iba pang entity na sangkot sa pag iinstall, maintenance at management ng mga live cable wires.
Ito ay para aniya masiguro na sinusunod nila ang lahat ng mga safety protocol at regulations.
Dapat din aniyang nagsasagawa ang mga ito ng regular na inspeksyon at maintenance checks sa mga kable nila.
Binigyang diin rin ni tulfo na kailangan nang rebyuhin ang charter ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Local Government Units (LGUs), Department of Public Works and Highways (DPWH), City Engineering Office at iba pang ahensya para magarantiya na nagagawa nila ng tama ang kanilang mandato, lalo na sa tungkulin na panatilihing ligtas ang kalsada.
Nais rin ng senador na matiyak na direktang mapapanagot ang mga responsableng entity para sa anumang pinsala, abala, o pagkamatay na idusulot ng hindi wastong pagpapanatili ng mga kable. | ulat ni Nimfa Asuncion