Naipresenta na sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na layong labanan ang mga financial cybercrime modus.
Sa sponsorship speech ni Senate Committee on Banks Chairperson Senador Mark Villar para sa Senate Bill 2560 o ang panukalang Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA), giniit ng senador na kailangang tuldukan na angpagnanakaw ng mga scammer sa pinaghirapang pera ng mga Pilipino.
Sa ilalim aniya ng AFASA bill ay naglagay ng safety measures para mapanagot ang mga financial cybercriminals gaya ng mga money mule, gumagawa ng social engineering schemes at economic sabotage.
Imamandato rin ng naturang panukala ang mga financial institution na protektahan ang accounts ng kanilang mga kliyente.
Kabilang sa iminamandato sa kanila ang pagkakaroon ng sapat na risk management systems at controls gaya ng multi-factor authentication (MFA), fraud management systems (FMS), at ibang account-holder enrollment and verification processes.
Binigyang diin ni Villar ang kahalagahan ng panukalang ito lalo’t base sa datos, sa unang walong buwan ng 2023 ay higit 8,000 mga Pilipino ang nawalan ng higit P155 millyon dahil sa iba’t ibang uri ng scam.
Ang AFASA Bill aniya ang solusyon para sa mga Pilipino para maibalik ang perang kanilang pinaghirapan nang hindi na kinakailangan pang dumulog sa anumang hukuman. | ulat ni Nimfa Asuncion