Malugod na tinanggap ni Philippine Army 11th Infantry “Alakdan” Division Commander Major General Ignatius Patrimonio si Papal Nuncio Archbishop Charles John Brown sa kanyang pagbisita sa Jolo, Sulu.
Ang pagbisita sa lalawigan ng pinakamataas na kinatawan ng Vatican sa bansa at Dean ng Philippine Diplomatic Corps ay para makiisa sa paggunita ng ika-27 anibersaryo ng pagpanaw ni Bishop Benjamin de Jesus.
Pinangunahan ni Archbishop Brown ang pagdiriwang ng misa sa Lady of Mt. Carmel Cathedral, at binindisyonan ang himlayan ni Bishop de Jesus nitong Linggo.
Kasunod nito, bumisita si Archbishop Brown sa 11ID Headquarters, kung saan nagpasalamat siya sa mainit na pagtanggap.
Sinabi naman ni Maj. Gen. Patrimonio na ang pagbisita ng Arsobispo ay nagsilbing inspirasyon sa mga tropa upang patuloy na itaguyod ang pangmatagalang kapayapaan sa Sulu.
Ayon kay Maj. Gen. Patrimonio, ang matagumpay na pagbisita ng Arsobispo at iba pang mga dayuhang delegado ay testamento na bukas na ang lalawigan ng Sulu sa pagtanggap ng mga dayuhang bisita at turista. | ulat ni Leo Sarne
📸: 11ID